Bagahe - Kabanata 4

Posted on 3:31 PM, under

Alas-onse na ng gabi. Madilim ang paligid. Malinaw ang kalawakan. Kitang-kita ng mata ang nag-gagandahang mga bituin. Ang buwan, bilog… buo… parang eksena sa isang pelikulang pang-romansa. Parang mata ng Diyos na nagsusubaybay sa Kanyang mundong pansamantalang iniwan ng liwanag. Walang ibang marinig kundi ang huni ng mga kulisap na nagtatago sa mga puno at halamang nakapaligid. May mumunting mga lamparang nakatirik sa gilid ng mga daanan ng tao. Kung titingnan ito, parang sadyang dumapo ang mga alitaptap sa paanan ng tao upang ilawan ang kanyang daraanan. Maganda ang gabi. Walang labis, walang kulang. Tamang-tama ang pagkakataon. Kahit sa dilim, kitang-kita ang mga sariwang bulaklak na tumutubo sa hardin. Sa dilim, mas kaaya-aya ang ganda ng mga ito kaysa sa araw. Ang pagdapo ng sinag ng buwan sa mga dahon at bulaklak sa paligid ay tila isang larawan sa isang nobelang hindi mababasa ninuman, isang nobelang walang salita… kundi mga larawan lamang, na sa pagbuklat ng mambabasa ng mga pahina nito, hindi niya mababasa ang kuwento… mararamdaman niya ito. Sa mga larawang nakaguhit sa bawat pahina, mararamdaman ng mambabasa ang daloy ng buhay ng nobela. Walang salita. Walang nakasulat. Pawang mga larawan lamang.

Ito na nga.

Ngayon na.

“’Ja…?”

“Hmm…?”

Mahinang sumagot si Aja. Hindi sa antok, hindi rin sa lungkot. Sadyang ang mga ganitong pagkakataon ay hindi kailangan ng matinig na boses. Sapat na ang mga bulong.

“Hmmm… bakit? What’s wrong…?”

“Wala naman…”

“’lam mo, naiinis ako pag ganyan ka. Parang may gusto kang sabihin pero ayaw mo… ang gulo mo…”, bulong ni Aja na may halong inis at lambing. Kinurot niya ang braso kong nakayakap sa kanya habang nakasandal kami sa isang nakataob na banca sa dalampasigan.

“Mas malakas ka pala mangurot kaysa sumipa. Siguro kung may tournament dapat huwag ka nalang sumipa, mangurot ka nalang. Sigurado panalo ka agad…”, biro ko sa kanya.

Kinagat niya ang braso ko. Mas malakas sa kurot. Mas madiin. Sinubukas kong tiisin ang sakit, ngunit dahil sa may kasamang ngipin ang pagkaipit sa aking braso, hindi ko rin natiis at impit akong napasigaw.

“Sorry… ‘kaw kasi eh…”, patawang sabi ni Aja.

Tiningnan ko ang parte ng braso ko na kanyang kinagat. May natuklap na maliit na piraso ng balat. Pinunasan at hinimas ito ni Aja at marahang hinalikan, kunwa’y pantanggal ng sakit.

“’wag ka na rin mag-Law… mag-Medicine ka nalang. Isipin mo, hahalikan mo lang yung sugat, gagaling agad”, patuloy kong pagbiro sa kanya.

Hindi na siya bumawi. Walang kurot, walang kagat, walang salita. Kundi ay lalo niyang hinigpitan ang pagkayakap niya sa akin. Naramdaman ko ang pagtibok ng kanyang puso. Naramdaman ko ang kanyang paghinga sa aking leeg. Naamoy ko ang bango ng kanyang buhok. Walang halong pabango. Natural ang bango ng kanyang buhok. Natural ang lambot, natural ang kinis. Hinawi ko iyon at dahan-dahan kong idinampi ang aking mga labi sa kanyang noo. Hindi ko siya nakikita, ngunit naramdaman ko ang kanyang ngiti. Umayos siya ng puwesto hanggang sa halos nakahiga na siya sa aking dibdib habang nakasandal ako sa gilid ng banca.

“After tomorrow, uuwi na tayo sa Baguio…”, bulong niya.

“Yeah. Balik sa problema. Balik sa school. Balik sa lahat…”

“Ayoko…”, malambing niyang reklamo.

Mahina kaming napatawa. Pareho kami ng naiisip -- ayaw na naming bumalik. Ayaw naming matapos ang pagkakataong ito, ang pagkakataong magkasama kami, na kaming dalawa lamang ang tao sa aming maliit na mundo. Ayaw naming matapos ang oras na ito. Niyakap ko siya ng mahigpit. Ganoon din ang ginawa niya.

“I’m not letting you go, Aja…”, bulong ko sa kanya.

“I won’t let you let me go…”

Ipinikit ko ang aking mga mata at sinapo ang gilid ng kanyang mukha. Dahan-dahan kong inilapit ang sarili kong mukha sa kanya, unti-unting naglalapit ang aming mga labi…

“Bossing, kakain na!”

Bigla akong nagulat nang naramdaman ko ang malamig na tubig na umagos sa aking katawan. Pag-mulat ko ng aking mga mata, nakita ko na lamang na basa na ako at nakatayo ang tumatawang si LJ sa aking harapan habang hawak ang isang baso na kanina lang ay may lamang malamig na tubig.

“Sira ulo ka talaga, LJ. Kung hindi ka lang babae babalibagin kita sa dagat eh”, patawa kong sigaw kay LJ habang bumabangon ako. “Hoy Leilanie Joy! Pakikuha naman yung tuwalya ko sa tent, pati na rin yung bag ko. Magbibihis ako…”

“Huwag na! Hindi ka rin lang naliligo e, magpasalamat ka binuhusan pa kita ng tubig at kahit papaano nakatikim ka ng ligo”, habol na pang-aasar ni LJ habang kinukuha ang mga gamit ko sa tent.

Naghubad ako ng jersey at nagsuot ng shirt. Medyo malamig din pala dito kapag gabi. Tiningnan ko ang relo, ala-sais y media palang.

“Panaginip…?”, natanong ko sa sarili ko. May pagkagaan parin ang pakiramdam ko kaya’t medyo wala pa ako sa ganap na pagkagising.

Tiningnan ko ang aking braso. “Oo, dito ako kinurot ni Aja… tapos dito niya ako kinagat”, pagpapaalala ko habang pinagmamasdan ang aking braso. Walang sugat… walang balat na natuklap. Kundi ay may dalawang pantal na pula sa lugar na kung saan ay dapat na mayroong sugat. Tumingin ako sa recliner na aking hinigaan. May ilang mga pulang langgam na gumagapang sa paanan nito.

“So kinurot ako at kinagat ng langgam…”, patawa kong inisip.

Nagsisibalikan na ang iba naming kabarkada, ang iba kapapaligo lamang at ang iba naman ay kaaahon sa dagat. Hindi ko sinasadyang mapalingon kay Aja habang naglalakad siya pabalik sa shed mula sa dagat. Naka-bra top siya at naka-shorts. Medyo may pagkaitim na rin sa kanyang balikat. Mukhang hindi talaga siya umahon sa dagat mula nang makatulog ako. Napagmasdan ko ang kanyang noo… na kanina lamang sa panaginip ko ay hinalikan ko, ang kanyang buhok… na napagisipan ko kung yun nga ba talaga ang amoy at pakiramdam tulad ng sa aking panaginip. Pinagmasdan ko ang kanyang dibdib, kung saan ko naramdaman ang pagtibok ng kanyang puso. Tinitigan ko ang kanyang bibig, kung saan ko naramdaman ang init ng kanyang paghinga… at kung saan ko sana siya hahalikan…

“Ligawan mo na kasi…”

Nagulat ako sa nagsabi noon. Lumingon ako at nakita ko si Ate Janette. Nakangiti siya sa akin habang nakade-quatro sa recliner.

“Nag-iisip ka pa diyan e alam naman nating iyan din ang gagawin mo”

Si Ate Janette. Isang taon lang ang tanda niya sa akin, pero mula sa undergraduate ko ay nakasanayan ko rin na tawagin siyang Ate. Nag-aaral siya ng Doctor of Education sa Unibersidad ng Pilipinas, Manila. Mabuti na lamang na nakapag-laan siya ng apat na araw upang makasama sa barkada.

“Ate naman, bata pa ‘ko ano. Di ko pa iniisip yan…”, pabiro kong ganti.

“Sabi mo eh. Pero sige, kunwari naman naniniwala ako sa iyo”, pakindat niyang sagot.

Dumating si Aja sa shed at patuloy lamang ito naglakad. Dumaan siya sa aking harapan na di man lang ako tiningnan. Sa dulo ng aking paningin ay nakikita kong nakangiti si Ate Janette. Siya ang “matchmaker” ng grupo. Palibhasa ay mataas ang napag-aralan sa Psychology at Education, siya ang naging “Guru” ng barkada. Oo, siya ang nagpakilala kay Jess kay Alex. Siya rin ang nagpasimuno ng tambalan ni Ulo at Jemma.

Sinundan ko ng tingin si Aja. Habang nagpupunas siya ng buhok, biglang nagtagpo ang mga paningin namin. Ngumiti siya. Isa nanamang matamis na ngiti. Lumapit siya sa akin at kinuha ang aking braso.

“Ano’ng nangyari dito? Masakit ba?”

“Kinurot at kinagat ng langgam. Medyo mahapdi, pero okey lang”, pangiti kong sagot.

“Kinurot? Baliw… sobra ka kasi kung magmuni-muni… “

“Ako? Hindi ah, sarap nga ng tulog ko e. Malay ko ba na may batalyon pala ng langgam sa ilalim ng recliner ko…”

“Oo na, sige na. Diyan ka lang, kukuha ako ng antibiotic cream. Baka magka-infection pa iyan…”, nakangiting bilin ni Aja.

“Opo Inay…”, pabiro ko din sa kanya.


Habang naglalakad siya papunta sa tent upang kumuha ng gamot, lumingon siya sa akin at nagtanong…

“After tomorrow, uuwi na tayo sa Baguio, right?”

| edit post

1 Reply to "Bagahe - Kabanata 4"

  • Anonymous on 7:49 PM

    Hello Don! ...first time to be here in sidecomments after visiting your friendster blog and wow, it's awesome...ang husay mo palang sumulat. Lookin forward to read through the rest of the Kabanata's =)