Bagahe - Kabanata 2

Posted on 2:12 PM, under

Huli naming sinundo si Jemma. Sa Scout Barrio kasi siya nakatira, malapit lang. Halos isang oras din kami naghintay kasi nung dumating kami sa bahay nila, nagtitiklop palang siya ng mga dadalhin damit. Sadyang mabagal kumilos si Jemma. Ni minsan kasi sa buhay niya hindi siya natutong magmadali. Magaling sa time management, ika nga. Pero ngayon, sobrang palpak ang management nya na dapat sesantihin na niya ang kung sinong nagplano ng araw niya. Si Jemma ang nililigawan ni ulo, kaya siguro kanina pa siya nagmamadali habang nasa bahay pa kami. Gustong magpa-pogi point pag siya ang magbubuhat ng bag ni Jemma. Ah ewan. Gusto rin naman ni Jemma si Ulo. Medyo nagpapakipot lang dahil ayaw naman niyang may masabi ang barkada na niligawan lang siya ni Ulo nang malaman nito na may gusto siya sa kanya.

“Isang tao naman dito sa harap. Ayoko magmukhang driver…”, reklamo ko nang sa likod silang umupo. Wala kasing umupo sa harap. Mukhang may nakareserba, sabi nila.

“Driver ka naman talaga a…”, pangiting asar ni Jemma.

“Palakarin ko kaya kayong dalawa?”, ganti ko.

Isang oras na ang nakalipas. Alas-diyes kasi ang usapan. Alas onse na nang dumating kami. Pero nang makita nilang kasama namin si Jemma, walang nagreklamo. Naintindihan nila. Nandoon na lahat ng tao. Kami na lang pala ang hinihintay. Pagkatapos namin pagusapan ang rota, tumuloy na kami sa biyahe. Mauuna si Joel dahil taga-Ilocos siya. Alam niya ang papunta doon. Susunod sina Alex sa kotse, mahuhuli kami. Pakiramdaman nalang, kanya-kanya muna kami pero pag nakarating kami sa La Union, maghihintayan muna para walang mawala. Gabi kasi, mas madaling mawala sa biyahe kapag gabi.

Halos dalawang oras na kaming nasa biyahe. Di parin napuputol ang convoy. Kulang nalang lobo at bandila, para na kaming pagpo-promote ng artista. Magaalas-dos na ng madaling araw. Medyo pagod na ako sa pagmamaneho. Medyo inaantok, medyo nababato. Ito kasi ang hirap pag ikaw ang driver. Hindi ka pwedeng matulog. Sinilip ko sina Ulo sa rearview mirror. Tulog ang kumag. Nakasandal pa sa kanya si Jemma. Sa ganitong lagay e hinding-hindi papayag yun na palitan ako. Napasarap ang posisyon e. Nakasandal si Jemma sa kaliwang balikat ni Ulo. Nakapatong naman ang kaliwang braso ni Ulo sa kanang tuhod ni Jemma. Hindi ako makatingin ng diretso. Masakit. Nakakainggit. Naalala ko nung ako yung nasa ganoong klaseng posisyon. Nagmamaneho ako habang nakasandal siya sa balikat ko. Magkahawak ang kanang kamay ko at ang kaliwang kamay niya. Habang minamaniobra ko ang kotse, kinukuwentuhan niya ako sa mga pangarap niya… ang mga pangarap niyang kasama ako. Ang mga pangarap niya na kanyang binuo sa pagpaplano naming dalawa. Pagkatapos niya ng kolehiyo, magbo-board exam siya. Pagkapasa niya ay magtatrabaho na rin para makatulong sa pamilya. Pero sa Baguio siya magtatrabaho para hindi kami magkakalayo. Ako naman ay mag-aaral ng Law. Pagkatapos ko, magrereview ako sa Manila para sa Bar exam. Hindi siya makakasama dahil sa trabaho niya, pero hihintayin niya ako. Sa anniversary namin, bababa siya ng Manila. Mamamasyal kami sa Laguna, doon sa bayan ng nanay niya. May bahay sila doon at doon kami magpapalipas ng gabi. Pagkatapos ay ihahatid ko siya sa Pasay pauwi ng Baguio. Bago siya sumakas ng bus ay yayakapin ko siya ng ilang oras, at kapag oras na niya para umalis, hahalikan niya ako sa labi… isang halik… matagal… matamis… isang halik na parang nagsasabing umuwi na ako sa Baguio nang makasama niya ako. Pero hindi puwede. Kailangan kong tapusin ito… para rin sa kinabukasan namin. Pagkatapos ng aming kuwentuhan, magtatawanan kami. Titigil ng saglit sa Starbucks sa North Expressway at magmemeryenda, magpapahinga sa ilalim ng sikat ng buwan.

Magpapahinga.

Habang hawak ko ang kanyang kamay.

Habang nakasandal siya sa akin.

Habang inaakbayan ko siya.

“Magsalita ka naman diyan…”

Nagulat ako sa nagsabi noon. Napabalikwas ako at nalipat sa kabilang lane ang sasakyan. May parating na traysikel. Bumusina ito ng malakas at pilit na umiwas sa akin.

Patay.

Inapakan ko ng buong lakas ang preno. Nasa sitenta ang takbo ko, nasa kuwanta ang kambyo. Nang makuha ko ulit ang maniobra ng sasakyan, buong ingat ko itong ibinalik sa kanang daanan ng kalsada. Bumusina ako ng isang beses bilang paumanhin sa dumaang traysikel. Biglang nagring ang cellphone ko.

“Hello… pare…”

“Ano nangyari? Ayos lang ba kayo?”

Si Jess ang tumatawag. Siya ang boyfriend ni Alex. Mukhang nagulat nang mapansin na nawalan ako ng control sa sasakyan.

“Ayos lang bro. Nagulat lang ako kay Aja.”

“Ok bro. Stopover muna tayo. Inaantok na ata tayo lahat, nagrereklamo na rin si Joel. Tulog si Alex, di siya pwede magdrive. Tatawagan ko nalang si Joel, kita-kita nalang tayo sa susunod na gas station.”

“Ok bro. sige kita-kita nalang. Text mo ako pag nandoon na kayo.”

Nagkusot ako ng mata. Nang lumingon ako sa kanan ko, nakita ko si Aja. Medyo seryoso ang mukha, halatang na-guilty dahil sa kanya ako nagulat. Katabi ko nga pala si Aja. Hindi ko siya napansing umupo sa passenger seat nang umalis kami ng Baguio.

Tulog na tulog parin ang ibang mga pasahero namin. Sadyang ang mga ito, mantika kung matulog.

“I’m sorry…”

“Ok lang yun Aja… medyo inaantok na kasi ako… pasensya ka na muntik na tayo madisgrasya…”

Napangiti naman si Aja dahil hindi ako nagalit. Isang matamis na ngiti ang ipinamalas niya, kasama ng kanyang maririkit na mata. Si Aja. Amelia Joanna Angelica Paraiso Rovales. AJA ang initials kaya naging Aja ang palayaw niya. Underclass ko siya sa Law. Maganda si Aja. Pilipinang-pilipina ang ganda. Morena, matangos ang ilong at hugis puso ang mukha. Wala rin ikakahiya ang katawan nito. 4th dan black belt ito sa Karate kaya sadyang may hubog ang katawan niya. Pero kahit ganoon, kikay parin. Babaeng-babae parin siya. Mas bata sa akin ng dalawang taon si Aja. Beinte palang siya. Maaga kasi nag-aral kaya maaga rin natapos. Second year na ako sa law nang nag-enroll siya. Nagkakilala lang kami habang nagpapaphotocopy ako ng mga kaso sa SCRA. Nagpaturo kasi siya kung paano gamitin ang librong yun. Mula noon, naging magkaibigan kami. Laking gulat ko na lang nang malaman kong pinsan pala niya si Joel. Unti-unti na rin siyang napasama sa barkada.

Si Aja… siya sana ang papalit sa babaeng umiwan sa akin. Siya sana ang magpapawala ng sakit… ng lungkot… ng hinagpis. Pero hindi… hindi ko talaga makita si Aja na higit pa sa kaibigan. Kahit siguro naghihintay siya sa akin, hindi ko magawang baguhin ang pagtingin ko sa kanya.

“Oh… tahimik ka nanaman diyan. Katatapos lang ng quiz nyo sa Labor… siguro delikado ka doon ano?”, asar nito.

“Medyo.”

“Ouch… ang cold. Hey sorry na talaga kanina… I didn’t mean to startle you…”
“It’s okay, Aja. Really. I just… I just have some… things… stuff… on my mind, that’s all…”

“M’kay… hey… yung gas station. Ayun yung van ni kuya Joel…”

Lumiko ako sa gas station. Pinatay ko ang cd player at pinagising ko kay Aja ang mga kasama namin.
“Meryenda muna tao guys. Ulo, gising, tama na yan. Isusumbong na kita sa tatay mo. Hehehe.”, biro ko para mawala ang tension na namagitan sa amin ni Aja.

| edit post

0 Reply to "Bagahe - Kabanata 2"