Hindi naman talaga ako manunulat. Minsan lang may mga naiisip ako na gusto ko maalala pagkatapos ng isang taon.
Sa wikang Tagalog ako nagsusulat. Oo, “Tagalog.” Hindi “Filipino.” Dahil isa akong Tagalog (Batanguenio eh!) at iyon ang tunay na naglalarawan sa aking pagkatao. Sa aking pagiging Tagalog, naging Pilipino ako. Hindi ko dinadaan sa aking citizenhip (‘censya na. Di ko alam ang Tagalog n’un eh.) ang pagiging tao ko kundi sa kung ano ang dugo ko. Naguguluhan ka ba? Ako rin.
Huli ako’ng sumulat bago ang Halalan ’10 (salamat, ABS-CBN). Bago iyon, isang taon yata ang lumipas (aba malay ko, hindi ko naman tiningnan ang huling entry bago ko inumpisahan ‘to) Kung hindi ako ginising ng mabuti kong kaibigang si Xet ay malamang puro status updates lang ang nagagawa ko sa Facebook hanggang ngayon.
Masarap din pala magsulat. Pwede mo sabihin ang lahat ng ideya mo, mga opinyon at saloobin mo – at walang epal na sisingit habang nagsasalita ka.
***
Nabuhay ako nang mag-isa. Masarap ang pakiramdam. Malaya. Dedesisyunan mo ang bawat galaw mo. Responsibilidad mo ang sarili mo. At sweldo mo ang bubuhay sa’yo. Kahit tapsilog ang bumuhay sa’kin ng dalawang linggo ayos lang; ako lang naman ang damay.
Yun nga. Ako lang. Malaya nga, mag-isa naman. At habang natitikman mo ang pait ng lipunan, mag-isa mo rin itong titiisin. At kahit na may Sun Cellular na mag-uugnay sa iyo at sa pamilya mo, ang puno’t dulo nito ay mag-isa ka pa ring uuwi.
***
Naka-“pause” pa rin ang buhay ko. Hindi kasi ako pinalad. Hindi ko alam kung bakit; “Huwag muna,” sabi siguro ni Lord.
Sa ngayon, hindi naman inatras ni Justice Carpio-Morales ang two-examiner rule. So 16 pa rin pala kayo. (Sa ‘kin lang, kahit 32 or 64 pa kayo, wala akong pakialam!) Nakakainis lang dahil kasama pa rin ang VAT sa coverage.
***
Ikinasal ang isa sa mga pinakamabuti kong kaibigan noong May 22, 2010. Dalawa na ang ikinasal sa barkada at *sana* babae naman ang susunod.
Parang mini-reunion ng barkada ang kasal. Kahit kulang kami, masaya pa rin. Kwentuhan, kulitan, asaran. Seryosohan.
Tumatanda na pala kami. Noong 1997 lang eh parang napakalaking isyu na ‘pag may ka-relasyon ka. Noong 2007, bawal muna mag-asawa dahil bata ka pa. Ngayon, parang sila pa ang nagtutulak sa ‘yo para magpakasal.
Sabi ko nga, seryosohan na. Pamilyahan na. Pero di tulad noon, hindi na ganoon kasimple ‘yun ngayon. Hindi ka na gagawa ng desisyon ayon sa “kilig” mo. Hindi ka na mamimili ng gusto mo ayon sa hitsura o ayon sa dikta ng barkada mo. Pag-iisipan mo rin ang katayuan nito sa buhay – trabaho, pamilya, ugali, relihiyon. Pag-iisipan mo na rin kung paano ninyo bubuhayin ang mga sarili ninyo. Po-problemahin mo kung ilang anak ang gusto mo at kung saan kayo titira, kung gaano kalaki ang bahay at kung ilang kwarto’t banyo ang mayroon dito. Dedesisyunan ninyo kung kukuha ba kayo ng yaya o hihiling na magulang ang tumayong tagapangalaga.
Magulo. Pero nakakakilig pa rin.
***
Baka mapadalas na ang pagsulat ko. Siguro lang.