Oo. Dick ako.

Posted on 10:15 PM, under

Kritiko ako. Mahirap paniwalain. Mahirap utuin. Matigas ang ulo. Pero karaniwang tao rin ako. Nanunuod ng Naruto. Nagu-update ng FB. Kumakain ng balut.

Pero mapili ako. Lalo na sa kaibigan. Sa panahon kasi ngayon, ang hirap magtiwala sa kung sinu-sino lang. Sa mga malapit sa akin ngayon, alam ko na kaya ko silang pagkatiwalaan kapag nagka-gipitan. Alam ko na walang mag-iiwanan.

(Teka, unang una, hindi ako nangangampanya. Ngayon lang kasi ako pumili ng iboboto ko.)

Mula noon, si Noy at si Dick ang pinagpipilian kong iboto bilang Pangulo. Pero ngayong lumalapit na ang botohan, si Gordon ang napili ko.

Wala naman akong problema kay Noy. Mas pinagkakatiwalaan ko lang kasi si Dick. (At sa tingin ko mas kaya niyang patakbuhin ang Pilipinas kaysa sa iyo. Pasensiya ka na ha?)

Sa tingin ko ang pagpili ng Pangulo ay kaparehas ng pagpili ng kaibigan. Pareho natin silang pagkakatiwalaan. Pareho natin silang hihingan ng tulong sa problema. At pareho silang hahawak ng pera natin. Eventually.

Sa pagpili ng kaibigan, gusto ko yung diretso. Kung may ginawang mali, gusto kong masabihan. Kung may dapat gawin, ayoko ng paligoy-ligoy. Kung may problema, gusto ko agad matugunan. Hindi ako takot mapaiyak kung iyon ang kailangan para matuto ako. “Straightforward,” ika nga. Ayoko ng maraming palusot kaya hindi magawa ang solusyon. Gusto ko ng pinuno, hindi pulitiko. (Bilib nga rin ako kay Bayani sa nagawa niya sa Metro Manila. Nasa Top-3 siya sa VP list ko.)

Gusto ko sa kaibigan yung totoo. Kung may sinabing gagawin, maniniwala ako dahil nakita kong nagawa na ito. Hindi yung magbibigay ng sari-saring pangako para lang matuwa ako. Mahirap kasi ako paniwalain lalo na’t ang daming oportunidad ang lumipas. Kaya kung hindi nagawa noon, wala akong dahilan para maniwalang magagawa ito ngayon.

Gusto ko ng kaibigang walang tinatago. Wala akong pakialam kung may mga natulungan kung mayroon din namang sinaktan. Wala akong pakialam kung sikat kung maraming namang pinagnakawan. Basta, ayoko ng hambog. Period.

Gusto ko yung taong nakaapak sa lupa. Yung may pangakong realistic. Practical. Posible. Yung kayang abutin ng IQ ko. Yun kasi ang kayang tuparin. Hindi tulad ng mga pangakong tila galing sa fantaserye. Sayang lang ang panahon sa paghihintay sa bola. Hindi kasi ganoon ka-simple yun. Gusto ko yung may planong pangmatagalan, hindi yung panandaliang solusyon lang. Kumbaga, hindi magkasing-sarap ang seafood at instant seafood noodles. Dig?

Gusto ko yung may credibilidad. Kayang patunayan ng mga kaibigan ko na ayaw ko sa mga babaero at mga nanloloko ng kapwa; mapa-relasyon man o ano pa. Pero ‘pag pinagbayaran na ang kalokohan noon, ayos lang sa’kin. (Yun nga lang kung hanggang ngayon eh ipipilit parin na inosente at mala-anghel ka, lalayo ako sa’yo. Hindi ako ang klaseng taong nagpapa-uto.) Oo, mahirap malaman kung sino ang nagsasabi ng totoo. Pero hindi naman mahirap tingnan ang mga nagawa na sa nakaraan. Iyon ang basehan ko.

Gusto ko ang taong nirerespeto ako bilang tao. Hindi yung ginagawa akong tanga sa lahat ng pasikat at pa-porma. Hindi ako ganoon kababaw para matuwa lang sa mga sayaw at kanta sa entablado.

At ang pinakagusto ko ay ang may respeto sa kapwa. Yung hindi naninira ng iba, lalo na ‘pag katunggali. Ano ‘to, elementary? Kung gusto ko ba sumama sa ibang kaibigan eh hindi tayo bati? Sabi nga sa amin, “Patunayan mo ang sinasabi mo sa sarili mong lakas, at huwag sa kahinaan ng katunggali mo.” Ayaw ko sa taong kung manira sa kapwa eh daig pa ang kabit ng mayor sa beerhouse.

Hindi ko sinasabing santo si Dick Gordon. Ang sinasabi ko ay kaya ko siyang pagkatiwalaan. Diretso, totoo, walang tinatago, realistic, may credibilidad at may respeto. Siya ang tipong gusto ko maging pinuno.

Oo, iisa lang ang boto ko. Pero alam kong pagkatapos ko bumoto, makakatulog ako ng mahimbing. Ayoko na kasing napapahiya sa mundo.

Bow.


| edit post

0 Reply to "Oo. Dick ako."