Bagahe - Kabanata 6

Posted on 11:08 PM, under

Halos isang oras na akong nakaupo sa loob ng sasakyan.

Isang oras.

Isang oras mula nang paulanan ko ng suntok ang kawawang dingding.

Napatingin ako sa aking kanang kamay. Natuyo na ang dugong kanina lamang ay walang katapusan ang pag-agos. Binuksan ko ito at isinara. Inulit-ulit ko ito ng ilang beses.

“Masakit…”, naisip ko.

Isinaksak ko sa ignition ang susi at ipinihit ito. Marahang nabigyan ng buhay ang makina ng sasakyan. Naramdaman ko ang ugong ng buhay nito. Naramdaman kong unti-unting umiinit ang loob nito na kanina lamang ay napaliguan ng hamog dahil sa lamig ng gabi.

“Oo, kailangang paring mabuhay…”

Ikinambyo ko ang sasakyan sa primera gamit ang akong kanang kamay.

“Kahit masakit, kailangang paring mabuhay…”

Saan ako pupunta?

Hindi ko alam. Nagpasabi lang ako kay Ulo na mawawala ako ng buong araw. Kailangan kong mapag-isa. Kailangan kong mag-isip. Kailangan kong mailabas ang kung anumang sakit na unti-unting kumakain sa akin ng buhay.

“Master, I have mail for you…”

Nag-ring ang cellphone ko. Text message.

“San k ppnta…?”

Si Aja.

Pinabayaan ko lang ang mensaheng iyon. Patuloy ako sa pagmamaneho hanggang sa makalabas ako sa main highway. Pinindot ko ang switch ng CD player at nagpatugtog na lamang para kahit papaano ay mailipat ang aking isipan sa ibang bagay.

Ilang bayan na ang nadaanan ko. Ni hindi ko maalala ang ibang lugar na nadaraanan ko nang papunta kami sa resort. Malamang dahil gabi noon. Nag-iiba ang hitsura ng paligid kapag umaga. Unti-unti na ring umiinit. Pinatay ko ang air-con ng sasakyan at binuksan ang bintana.

Sariwang hangin.

Napawi ang nararamdaman kong init nang umagos sa loob ng sasakyan ang preskong hangin na nagmumula sa mga bukiring nakapaligid sa kalsada. Napakalinis ng kapaligiran. Walang basura. Walang mga nakakalat na balat ng pagkain o mga iniwang bote ng alak. Walang mga nagkukumpulang mga jeep at taxi. Walang usok, walang nagsisigawan at nagmumurahan.

Tahimik ang bayang ito.

Tahimik.

Kailangan ko na rin manahimik. Masyado nang magulo at maingay ang isip ko.

Kailangan ko nang mamayapa.

“Master, I have mail for you…”

Text message. Si Aja nanaman. Tumatawag pa ito. Pinatay ko ang cellphone at itinago ito sa loob ng glove compartment.

“Ano kaya ang ginagawa nila ngayon…?”, naisip ko. Oo, naiisip ko sila. Pero ayaw ko pang bumalik. Hindi ako babalik hangga’t hindi ako kalmado at mapayapa. Kung kinakailangan, uuwi na ako ng Baguio at doon sila hihintayin.

“Brod, XCS. Limandaan lang…pakiresibo ha.”

Habang kinakargahan ng gasolina ang sasakyan, bumaba muna ako at dumiretso sa tindahan. Mabuti na lamang na may mga tindahan ang mga gas station. May mga pampalamig ng lalamunan, pampalamig ng tiyan… at pampalamig ng ulo. Bumili ako ng tatlong boteng inumin at ilang pirasong makakain. Hindi pa ako nag-aalmusal at ayaw kong mahilo habang nagmamaneho. Bumalik ako sa sasakyan, nagbayad at tumuloy sa aking biyahe.

Kung tutuusin, hindi ako bumibiyahe.

Dahil ang pagbi-biyahe, may pinupuntahan. May patutunguhan.

At dahil wala akong pupuntahan o patutunguhan, hindi ako bumibiyahe.

Tumatakas ako.

Halos tatlong oras na ako nagmamaneho. Hindi ko parin maigalaw ng husto ang aking kanang kamay kaya’t hirap na hirap ako sa pagkambyo. Napag-isipan kong humanap ng isang lugar kung saan ako maaaring magpahinga at magisip. Dumiretso lamang ako sa highway habang minamasdan ang paligid. Patuloy lamang ako sa pagpapatakbo hanggang sa marating ko ang isang pamilyar na bayan.

San Esteban.

Ang bayan ng San Esteban.

Naalala ko ang lugar na ito. Hindi ko maisip kung kailan, ngunit sigurado akong nakarating na ako dito. Kasama ko ang aking ina at kapatid noong panahong iyon. Isang araw na lakwatsa.

Tama.

May pinuntahan kaming dalampasigan. Isang napakalinis at mapayapang dalampasigan.

Naalala ko na.

Naalala ko na ang daan papunta doon. Pinag-isipan kong mabuti ang lahat ng aking nadaraanan. Inalala ko ang lahat ng bahay pati mga tindahan. Pagkalipas ng halos tatlumpung minuto, narating ko ang patutunguhan ko.

Ang dalampasigan.

Hindi ito pribadong dalampasigan. Hindi rin ito resort. Isang dalampasigan lamang sa tabi ng kalsadang palayo sa siyudad. Bumaba ako ng sasakyan at tumungo sa tubig. Umupo ako sa lilim ng isang punong mangga at pumikit.

“Bakit masakit?”

Naalala ko si Aja at si Bryan. Naalala ko kung paano nakasandal si Aja sa katawan ni Bryan. Naalala ko ang kanilang posisyon, pati ang kanilang magkahawak na mga kamay.

Naramdaman kong unti-unting tumulo ang isang luha.

Isang luhang natira mula sa aking pagdadalamhati sa araw na iyon.

Isang luhang kabilang sa ilang nauna.

Mga luhang hindi ko sinadyang pakawalan.

Mga luhang hindi nahulog para kay Aja.

Hindi ako umiyak dahil sa nakita ko.

Hindi ako nasaktan dahil sa magkasama si Aja at si Bryan.

Hindi rin ako nasaktan dahil sa panaginip.

Hindi.

Nasaktan ako dahil naalala ko SIYA. Umiyak ako dahil naalala ko na wala na siya sa aking piling at hindi ko alam kung mapapasaakin pa siyang muli. Pinakawalan ko ang mga luha ko hindi dahil kay Aja, ngunit dahil sa KANYA. Dahil sa babaeng hindi ko nakayanang pakawalan at kalimutan. Dahil sa KANYA, na kahit sa pagkalipas ng ilang buwan, hanggang sa umabot sa ilang taon, hindi ko pa rin magawang kalimutan SIYA.

Patuloy na tumulo ang luhang kanina ko pa itinatago. Patuloy itong umagos hanggang sa umabot ang aking paimpit na ungol sa isang hagulgol.

Oo, masakit. Ngunit ang pag-iyak ay isang paraan upang mabawasan ang sakit. Isa itong paraan upang ilabas ang kung anumang sakit na nagtatago sa damdamin ng tao.

Naalala ko ang dampi ng kanyang kamay sa aking mukha habang ako’y nakapikit. Umalingawngaw sa aking isip ang tinig ng kanyang boses habang siya’y kumakanta. Unti-unti kong naramdaman ang tibok ng kanyang puso habang ako’y nakasandal sa kanyang dibdib. Nalalanghap ko ang bango ng kanyang buhok, maging ang kinis ng kanyang balat sa aking mga kamay at labi. Kumikinang parin ang kanyang mga mata sa tuwing siya ay ngumingiti at tumatawa. Naririnig ko parin ang kanyang mga halakhak sa tuwing magbibiruan sila ng kanyang mga kaibigan.

Nakikita ko parin ang kagandahan ng kanyang pagkatao.

Sumasayaw parin sa aking puso ang taong aking binitiwan ilang taon na ang lumipas.

Iniangat ko ang aking mukha sa langit habang tumutulo ang aking mga luha at ipinikit ang aking mga mata. Unti-unti kong binuksan ang aking bibig…

Unti-unti…

Unti-unting naghiwalay ang aking mga labi… at isinigaw ko ang kanyang pangalan sa langit, kasabay ang tunog ng agos ng tubig sa mga bato at sa buhangin…

Kasama ng tunog ng sarili kong iyak…

Inilabas ko nang lahat.

Ibinigay ko nang lahat.

Inubos ko na ang lahat.

At naintindihan ko na. Natuklasan ko na.

Ang katotohanang nagpahirap sa akin ng ilang taon.

Ang katotohanang pilit kong iniwasan nang kami'y naghiwalay ng landas.

Mahal ko parin siya.

Mahal ko parin siya.

Mahal ko siya.

Ang taong nagpapatibok ng aking puso. Ang taong nagpapabilis ng aking paghinga sa pamamagitan lamang ng kanyang boses. Ang taong naglalagay ng ngiti sa aking mga labi sa tuwing siya’y darating.

Ang taong nagpapaligaya sa aking puso sa kanyang sariling paraan.

Mahal ko siya.

Napangiti ako. Isang simpleng ngiti. Isang ngiti sa ilalim ng mga luha at sakit. Isang ngiting inialay ko sa KANYA, at sa KANYA lamang. Huminga ako ng malalim at bumangon. Pinagpag ko ang aking damit at naglakad pabalik sa sasakyan.

Malapit nang lumubog ang araw. Malapit nang matapos ang araw na ito.

Payapa na ang puso ko. Tahimik na ang isip ko.

Handa na akong bumalik.

Handa na akong bumalik at harapin ang mundo.

Ngunit may kailangan muna akong gawin.

Kinuha ko ang cellphone ko, pinindot ang switch at nag-dial.

“Hello…?”

“Hi… it’s me…”

“Oh… hello…”

“I miss you…”

| edit post

0 Reply to "Bagahe - Kabanata 6"