Bagahe - Kabanata 7

Posted on 11:31 PM, under

“Can we talk?”

“Nag-uusap naman na tayo a…”

Hindi parin siya nagbabago. Dati parin ang ugali niya.

“You know what I mean…”

“…”

Dati parin ang ugali niya. Ang ugali niyang pagiging matigas at malamig… lalo na kapag mga maseselang bagay ang pinaguusapan. Ang pagmamahal sa isang tao ay hindi isang bagay na hindi sinasadya. Ito ay isang desisyon… isang desisyong kusang ginagawa. Ang pag-ibig ay isang bagay na ibinibigay ng walang kapalit… walang katumbas… at walang dahilan.

“Say something…”

“Napatawag ka?”

Malupit parin siya. Ang pagmamahal ay isang desisyon. Ipinag-desisyunan ko siyang mahalin… nang walang kapalit… nang walang katumbas… nang walang dahilan. Ngunit sinasadya niyang gawing napakahirap para sa akin ang unawain siya… sa sobrang hirap ay naguumpisa nang sumakit.

“Kumusta ka na…?”

“Ok lang.”

Ok lang? Matapos ang halos isanlibong taon na hindi tayo nagkausap, “Ok lang” ang isasagot mo sa akin? Malamig parin ang tono ng boses mo.

Napagisip-isip ko, hindi na sana ako tumawag.

“Okay…”

Isang dekada na ang lumipas. Parehong sakit… parehong luha. Mahirap pala magmaneho habang umiiyak.

“Nangungumusta lang…”

“Hmm..”

Hindi ko maisip kung bakit napakasakit ng usapang ito. Hindi ko mawari kung dahil ba sa tono niyang napakalamig… o sa pakiramdam ng unti-unting pagkadurog ng aking puso habang tumatagal ang “usapang” ito. Napapikit ako habang pinupunasan ang mga luhang tumutulo mula sa aking mga mata.

“…”

Matagal na katahimikan. Nakabibinging katahimikan. Ang pawang naririnig ko lang ay ang mahinang tunog ng stereo ng sasakyan at ang mahinang huni at busina ng mga nagdadagsaang sasakyan sa highway.

“Nasa’n ka?”

“Sa town.”

Bakit niya ako pinahihirapan nang ganito? Masakit… mahapdi… nakakabaliw ang bigat ng bagaheng ipinatong niya sa aking likod.

“Okay…”

Gusto ko nang ibaba ang telepono. Gusto ko nang takasan ang sakit na dulot ng halos anim na minutong itinagal ng tawag na iyon. Ngunit kailangan kong masabi ang mga dapat kong sabihin… kailangan ko itong matanggal sa aking likuran… ang bagaheng iniwan niya at hindi na binalikan.

“Mahal parin kita…”

“…”

Isa pang nakabibinging katahimikan.

“I said, I love you…”

“Bakit?”

Nakapagtataka ang kanyang mala-yelong tono. Halos gusto ko nang bunutin ang .45 na nakatago sa ilalim ng driver’s seat at pasabugin ang aking ulo.

“Doesn’t that mean anything to you? Anything at all?”

“Bakit mo sinasabi sa akin ‘yan?”

Kailangan ko pa bang ipaliwanag? Ang tagal ng panahong nakilala ko ang aking kausap sa telepono… ang mga saya at hirap na dinanas naming magkasama… ang mga panahon na lumipas na yakap-yakap siya ng aking mga braso… ang mga pagkakataong dumampi ang aking mga labi sa kanya… walang paliwanag ang kinakailangan sa isang bagay na ibinigay nang walang kapalit, katumbas o dahilan.

“Dahil totoo.”

“Okay.”

Nawala siya sa akin ng napakatagal. Isang panahong halos hindi ko mawari kung katotohanan ba o pantasya lamang. Ang mga pagkakataong nagsama kami na tila wala nang bukas ay halos mga liblib na alaala na lamang sa aking isipan. Ngunit bakit? Bakit nakayanan niya akong talikuran pagkatapos ng mga pangyayaring iyon? Nasaan na ang pagkakaibigang nabuo sa paglipas ng panahon?

“I was hoping that meant something…”

“Matagal na yun. Kalimutan na natin ang nangyari.”

“What do you mean?”

“Past is past…”

Masakit. Masakit pa sa mga salitang kanyang binibitawan. Masakit pa sa mga pangyayaring naganap nitong mga nakaraang araw. Pumikit ako at yumuko. Hindi ko na kaya ang sakit… masyado nang mabigat… hindi ko na kaya…

“I’ve always loved you. I’m sor…”

Hindi na natapos ang huling bahagi ng huling salita. Umangat ang aking mga mata sa aking harapan… walang nakikita… pawang kadiliman na bumabalot sa buong paligid… pawang mga malalabong imahen ng tao at sasakyan na umiikot sa aking paligid.

Isang napakalakas na bayo sa aking dibdib. Bumulusok ang kulay pula sa manibela at sa aking mga kamay na nakahawak pa rito. Isang napakatinis na tunog ang umalingawngaw, habang nararamdaman ko ang salaming nababasag at sumasaksak sa aking katawan.

Isang mahabang busina. Isang paimpit na iyak. Isang huling sigaw.

At dumilim na ang lahat.

| edit post