Bagahe - Kabanata 5

Posted on 10:44 PM, under



Kape.

Oo, kape ‘yun.

Instant?

Hindi… brewed…

Oo, tama… brewed coffee…

Minulat ko ang mga mata ko. Umikot sa kuwarto ang amoy ng bagong salang na kape. Umaga na. Ang unang umaga ng bakasyon. Ibinangon ko ang ulo ko at tumingin sa paligid. Tulog pa sila. Sa aking paanan, nandoon si Jess. Katabi niya si Alex. Mukhang himbing na himbing parin sa pagtulog ang dalawa. Nakatalikod si Alex habang nakayakap naman si Jess mula sa kanyang likuran.

“Sa bagay, wala naman sigurong nangyaring masama…”, naisip ko.

Naalala ko na hindi dapat magtabi ang magkasintahan sa pagtulog. Pero hindi naman na namalayan nang makatulog kami. Pagkatapos kasi ng hapunan ay nagpulung-pulong kami dito sa kuwarto at nagkuwentuhan. Isa-isa na rin kaming nakatulog.

Lumingon ako sa aking kanan. Si Ulo at si Jemma. Nakahiga lang silang dalawa pero magkahawak ang mga kamay nila.

“Teka…hindi ba’t…?”

Nagkatuluyan nga ba ang dalawang ito nang hindi ko namamalayan? Kailan pa kaya? Bago pa kami makarating dito? Ganoon na ba ako kawalang-alam sa mga nangyayari sa paligid ko?

Medyo natakot pa akong lumingon sa bandang kaliwa. Nasilip kong may nakahiga sa ibaba ng kama. Dahan-dahan akong umusod at tumingin. Si Lax at si Watts. Nagtabi rin lang pala ang dalawa. Kinusut-kusot ko ang mga mata ko habang nagiinat.

Biglang may gumalaw sa tabi ko.

Sa kanan ko.

Tao.

Bahagya akong kinabahan dahil wala naman akong naalalang may tumabi sa akin sa pagtulog. Bumangon ako at umupo sa gilid ng kama. Unti-unti kong inilapit ang aking kamay sa laylayan ng kumot upang silipin kung sino ang tao sa ilalim. Dahan dahan. Palapit nang palapit.

Humikab ang taong nasa ilalim ng kumot. Napatigil ako.

“Pambihira… sige na, kaya mo yan!”, pagtulak ko sa sarili ko.

Nahawakan ko na ang laylayan ng kumot at unti-unti ko itong itinaas. Unti-unti…

“Pare naman, kita mong natutulog pa ang tao e… magpatulog ka naman…”

Si Anton pala.

“Sorry pare… teka… hindi mo naman siguro ako ginalaw kagabi ano?”, pabiro kong tanong.

“Hindi pare, ikaw nga gumapang e. Lumabas ka na, natutulog pa ang tao e…”

Lumabas ako ng kuwarto at dumiretso sa labas. Alas-sais y media ng umaga. Nagsalin muna ako ng kape mula sa portable brewer na dala ni Ate Janette at tuluyang lumabas upang makapag lakad-lakad.

Umaagos parin ang dagat sa dalampasigan. Ang bango pala ng simoy ng hangin ng dagat sa umaga. Sariwang sariwa. Kung ganito lang sana ang hangin sa Baguio tuwing umaga, hindi siguro tatamaring gumising ang mga tao. Walang usok, walang polusyon. Walang amoy ng sigarilyo. Maganda ang umaga.

Naglakad-lakad ako sa dulo ng dalampasigan. Nakailang metro na ako ng layo nang may mapansin akong nakataob na banca.

Naalala ko ang panaginip ko. Natigilan ako.

“Hindi, panaginip lang iyon…”, pagkukumbinse ko sa sarili ko.

Unti-unti akong lumapit sa banca. Parang biglang nawala ang aking antok. Ito mismo ang banca na nasa panaginip ko. Ito ang lugar na iyon. Dito kami nakasandal. Dito ko niyakap at hinalikan si… si…

“Aja…?”

Nakita ko si Aja na nakasandal sa likuran ng banca.

“Ang aga mo naman yatang napunta dito…”, naibulong ko sa sarili ko.

Dahan dahan akong lumapit, pilit na iniiwasang makagawa ng kahit anumang tunog. Malapit na ako. Ilang hakbang nalang…

Bigla siyang gumalaw.

Umusod ang katawan niya na parang inaayos ang pagkasandal.

May kasama siya.

Si Bryan?

Nakahiga si Bryan sa binti ni Aja.

Hinihimas ni Aja ang ulunan nito at pinaglalaruan ang kanyang buhok.

Tumalikod ako at naglakad sa kabilang direksyon. Hindi ko na namalayang ibinuhos ko ang aking kape at ihinagis ang tasa sa dagat.

“Bakit ganoon…?”

Dati nang may gusto si Bryan kay Aja. Hindi nga lang siya makagawa ng anumang plano dahil sa mula umpisa, ipinaalam na sa kanya ni Aja na wala siyang pag-asa.
Pero bakit ngayon…?

Nakaramdam ako ng kirot sa aking dibdib. Masakit na kirot. Naramdaman kong kumakapal ang aking lalamunan, na para bang may granadang sumabog sa aking dibdib. Nanlabo ang aking paningin. Napapailing ang aking ulo habang patuloy akong naglalakad nang walang direksyon.

Tumulo ang unang luha.

Sumunod ang pangalawa.

At nasundan pa ng iba hanggang sa ang dating pagtulo lamang ay tuluyang naging agos ng luha.

Umiiyak ako.

Pero bakit?

Bakit?!

Patuloy akong naglakad hanggang sa makabalik ako sa shed.

Hindi ko na natiis.

Itinaas ko ang aking kamay, isinara sa isang kamao at buong lakas na binayo ng suntok ang pader.

Itinaas ko ang aking isang kamay at inulit ang pagbayo. Inulit-ulit ko ang pagbuhos ng sakit at pagdadalamhati sa kawawang pader na walang magawa kundi ang tanggapin ang bawat suntok na aking maibibigay. Yumayanig ang shed. Nararamdaman kong nahuhulog sa aking mga balikat ang mga piraso ng damo na ginawang bubungan ng shed.

Gusto kong sumigaw. Gusto kong magwala.

“Pare tama na yan!”

Lumingon ako sa aking likuran.

“Paulo… bakit ganoon, Paulo?!?”, paimpit kong sigaw ko sa kanya.

Umatras ako ng bahagya, umikot at buong lakas na ibinaon ang aking kanang binti sa pader na kanina lamang ay kulay puti, at sa ngayon ay may mga mantas na na pula gawa ng sunud-sunod na pagbayo ng aking mga kamao.

Lumapit sa akin si Ulo. Alam kong nagising siya sa aking ginawa. Napaupo ako at parang isang bata ay humagulgol habang ibinabayo ang aking mga kamao sa buhangin.

“Bro tama na… bakit ba? Ano’ng problema…?”, gulung-gulo ang isip ni Ulo habang pilit na iniintindi kung bakit ko ginawa iyon.

Sa totoo lang, hindi ko rin alam.

“Guys, okay lang kayo? I found this cup sa beach, may nakaiwan yata. Siguro si… “

Si Aja. Kasunod niya si Bryan.

“MY GOSH! What happened?!? Paulo, ano’ng nangyari sa kanya?!”

Tumingala ako kay Paulo. Luhain parin ang aking mga mata habang pilit kong ipinapabasa sa kanya ang nilalaman ng aking damdamin.

Tumango siya. Naintindihan niya.

Bumangon ako at ipinagpag ang aking damit at naglakad pabalik sa cottage.

“Wait… what happened…?”

Lumingon ako kay Aja. Ngunit nang makita ko siya, nakita ko rin si Bryan na mukhang nagising din sa mga pangyayari.

“Wala ‘to. Nadisgrasya lang.”

“Pero pano’ng… wait…!”

Tumalikod ako at patuloy na naglakad pabalik sa shed habang nakikita ko si Aja sa dulo ng aking paningin na magtakip ng kanyang kamay sa bibig nang makita ang mga pulang mantsa sa pader ng shed.

| edit post